Press Release
BMP-NCRR
10 Setyembre 2013
Dagdag umento ng DOLE, pinuna ng militante
mas maige pa trato kay Napoles
Sa gitna ng ngitngit ng sambayanan sa isyu ng pork barrel scam, nagpahayag ng matinding reaksyon ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa pahayag ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz hinggil sa desisyon ng Regional Tripartite and Productivity of the National Capital Region na itaas ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila ng sampung piso.
"Umuusok pa sa galit ang mga manggagawa sa huling iskandalo sa ilalim ng administrasyong Aquino nang matuklasang ang buwis na kinakaltas ng pamahalaan buhat sa kanilang kakarampot na sahod ay hinihigop pala ng mga pulitiko at mga kasapakat nitong tulad ni Napoles papunta sa sarili nitong mga bulsa. Heto ang 'kagalang-galang' na Kalihim ng Paggawa habang nakangising inaanunsyo ang barya-baryang umento sa sahod. Kung inaakala ni Secretary Baldoz na titigil ang manggagawa upang ipaglaban ang makatarungang dagdag na sahod dahil sa ipinagyayabang niyang sampung pisong dagdag umento ay nagkakamali siya. Maninindigan kami hanggang sa tagumpay ng aming laban. Ang dagdag-sahod na sampung piso ay hindi simpleng kawalang-pakiramdam para sa naghihikahos na manggagawa, wala itong ibang ibig sabihin kundi kalupitan," sabi ni Gie Relova, tagapagsalita ng panrehiyong balangay ng BMP sa Metro Manila.
Ang nasabing anunsyo ay "umaalingasaw ng kawalan ng pandama sa kalagayan ng mga obrero sa bisperas ng panawagan na wakasan ang buong sistemang pork barrel sa lahat ng sangay ng gobyerno. Nagbubuhay-reyna, ala VIP si Napoles kahit na ito'y nakadetine, kabilang dito ang mga tagatikim, aircon na pribadong kwarto at regular na dalaw mula sa mga duktor at nars ng gobyerno, habang ang kawawang manggagawa ay patuloy na hinuhubaran ng dignidad at pinagkakaitan ng karapatang mabuhay ng desente ng parehong gobyerno na may tungkuling protektahan at payabungin ang kapakanan na siyang itinatakda ng Konstitusyon," dagdag ni Rodelito Atienza, pangulo ng unyon ng PMFTC, na kasapi ng BMP.
Matagal nang nananawagan ng abolisyon ng regional wage boards ang BMP. "Napapanahon nang iwaksi ang ilusyon na maaaring magbigay ng makabuluhang dagdag sahod na ayon sa Konstitusyon ay "magbibigay ng sahod na nakabubuhay ng pamilya" sa lahat ng manggagawang Pilipino. Dahil sa taun-taon naman ay napapatunayang inutil ang mga wage boards, dapat lang itong i-abolish, ngayon na," pagtatapos ni Relova.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento