Press Release
19 September 2013
Contact person
Gie Relova 0915-2862555
Pagtatakip kay Noynoy, Lacierda pinuna
PINUNA ng militanteng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang Presidential Spokesperson na si Edwin Lacierda dahil sa patuloy na pagtatakip nito sa nawawalang Noynoy Aquino. Ayon sa grupo, dapat pa nga ay sabihan niya si Aquino na mag-report na sa trabaho dahil marami pang ibang pambansang isyu liban pa sa hostage crisis sa Zamboanga.
“Ginagawang tanga ni Lacierda ang taumbayan sa kanyang mga pahayag na hindi makontak ng Palasyo ang Pangulo para sa tindig nito sa ilang mahahalagang isyu. Napaghahalatang walang lohika at ‘di magkakaugnay ang mga binitawang palusot ni Lacierda sa totoong dahilan kung bakit walang tindig ang pangulo at totoong kinaroroonan nito. Kalituhan lang ang nalikha ng kanyang pahayag, sabi ng lider nitong si Gie Relova.
Nakakainsulto raw ang pahayag ni Lacierda na dahil sa pagsasara ng paliparan at pier ng Zamboanga at saradong mga tindahan ay walang balitang nakakarating sa Pangulo at hindi raw maka-komento sa mga kaso ng pandarambong kay Janet Lim-Napoles, tatlong oposisyong Senador at tatlumpu’t-apat pang opisyal ng gobyerno, pagpapaliban ng eleksyon ng Sangguniang Kabataan at ang panawagan na i-certify as urgent ang panukalang Freedom of Information sa Kongreso.
“Balik Noynoying nanaman ba si Noynoy,” tanong ng lider manggagawa. Nanghihinayang ang BMP dahil sa marami pang iba pang isyu na kailangan ng maagap ng tugon labas pa sa krisis sa Zamboanga gaya na lamang ng nabalitaang pagtaas ng bilang ng walang hanapbuhay, ang ‘di-makataong kalagayan ng mga inilipat na komunidad galing sa tabing-ilog sa mga relocation sites ng gobyerno at ang salot na kontraktwalisasyon sa lahat ng industriya.
Igiiniit ni Relova na, “Parehong nabubuhay si Aquino and Lacierda sa pawis at sakripisyo ng milyong manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng kinakaltas na buwis sa aming sahod at E-VAT, kung kaya’t nararapat lamang na hilingin namin ang kanilang pinakamaayos na pagsisilbi sa paggampan ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad. Ang pagsisinungaling at hindi paggampan ay kabaliktaran ng halaga ng aming buwis”.
Binalaan din ni Relova ang mga opisyal ng Palasyo na kung hindi sila magaayos ay mas maiging mag-resign na lamang sila sa pwesto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento