Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Marcos: Bayani ng Naghaharing Uri, Hindi ng Masang Pilipino

NAKAKASUKLAM ang paglilibing sa pinatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Bagong hibla ito sa matagal nang lubid ng kasinungalingan na si Marcos ay bayani ng lahing kayumanggi na kasing peke na kanyang medalya sa diumano’y kabayanihan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nakapagdududa din ang biglaan at tila panakaw na paglilibing sa kanya, na tiyak tayong hindi lingid sa kaalaman ni pangulong Duterte. Sa darating na mga araw, asahan na nating sasagot ang butangerong pangulo na ibaon na natin sa limot ang nasabing isyu.

Kung tutuusin, dapat nang ilibing si Marcos na namatay noong 1989 sa Hawaii, USA. Ngunit hindi sa libingan ng bayani kundi sa basurahan ng kasaysayan sapagkat hinusgahan na siya ng pag-aalsang Edsa 1986. Siya ay pasista, diktador, mandarambong, at mamamatay-tao. Hindi siya bayani ng masang Pilipino. Siya ay kriminal na kahihiyan sa kagitingan ng ating lahi.

Si Marcos ay bayani ng naghaharing uri hindi ng masang Pilipino. Sa panahon ng diktadurang Marcos, nalugmok ang bansang Pilipinas sa kumunoy ng kawalang pag-asa at ibayong kahirapan. Hindi ang taumbayan kundi ang mga kroni gaya ni Cojuangco, Lucio Tan, Benedicto, Virata, Romualdez, Cuenco, atbp., at ang kanyang paksyon ng naghaharing uri, laluna ang dayuhang kapitalistang nakinabang sa likas at likhang yaman ng bansa mula noon hanggang ngayon.

Sa panahon ng kadiliman ng Martial Law, naganap ang pandarahas, pagpaslang, pagwasak sa kabuhayan ng maralita, magsasaka, at manggagawa at mga kabataang estudyante at intelektwal na rumurok sa pag-aalsang Edsa, na nagawang ibagsak ang diktadura ngunit para lamang humalili sa poder ang karibal na paksyon ng pamilya Marcos.
Sa isyu ng rekognisyon sa diktador bilang bayani, tiyak tayong magpoprotesta ang paksyon ng naghaharing uri na nakinabang sa pagpapapatalsik kay Marcos at naitsapwersa din sa pag-akyat ni Duterte sa panguluhan. Sabihin mang biktima din sila ng diktadura. Ngunit sila ay mga magnanakaw din na galit sa kapwa magnanakaw!

Nananawagan ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa manggagawa’t mamamayan. Matuto tayo sa aral ng kasaysayan. Huwag bumuntot sa mga naghaharing uri. Isulong ang independyenteng kilusan ng uri at bayan. Kondenahin sa paglilibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani habang ipinagpapatuloy ang kagyat at ultimong mga kahilingan ng taumbayan para sa panlipunang hustisya at karapatang pantao.
Itinakwil natin ang diktadurang Marcos ngunit mas labanan ang diktadura ng mga kapitalista’t asenderong nagsasamantala sa mamamayan!

Marcos: Hitler, Diktador, Tuta! Marcos is No Hero.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996