Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Miyerkules, Nobyembre 2, 2016

Pagpupugay kay Ka Ronnie Luna

Pagpupugay kay Ka Ronnie Luna: Magiting na Organisador ng Pakikibaka ng Manggagawa

KUKULANGIN ang mga salita para ipahayag ang pagdadalamhati ng pamunuan at kasapian ng BMP sa paglisan ni kasamang Ka Ronnie Luna. Kapos din ang anumang letra para iparating sa kanyang mga naulila ang aming lubos na simpatya at pakikiramay. Kayo man ay naagawan ng tatay, tiyuhin, pinsan, o kabiyak sa kanyang biglaang pagpanaw. Kami rin – ang kilusang itinuring niyang “pangalawang pamilya” – ay nawalan ng isang magiting na lider, kaibigan, at kasama. 

Sa darating na mga araw, lubos na mararamdaman ng Bukluran, ng kabuuang kilusang paggawa, at pangkalahatang kilusang bayan – ang kawalan ng isang magiting, masigasig at mapangahas na organisador ng pakikibaka ng masang anakpawis. Ang buhay ni Ka Ronnie ay kasaysayan ng mga pakikibaka sa iba’t ibang antas – mula sa pabrika, rehiyon, pambansa, maging sa kanyang komunidad sa Sitio Malipay, kung saan siya huling nanirahan.

Mula sa Samar tungo sa Maynila. Nagmula si Ka Ronnie sa isang mahirap na pamilya sa Northern Samar. Isinilang noong Disyembre 1, 1958. Dahil sa hirap ng buhay, napagtapos lamang siya ng Grade 4. Isang bagay na kamanghamangha. Sapagkat sa darating na mga panahon, siya ay papandayin ng kilusan para sa isang bihasang tactician ng mga lokal na pakikibaka, laluna ng mga ligal at ekstra-ligal na pakikibakang unyon kaya’t madalas siyang akalain bilang isang abogado. 

Edad labing-anim nang siya’y magtrabaho sa isang trosohan. At sa unang bahagi ng dekada ’70, sa paghahangad ng mas maayos na buhay, ay palihim na umangkas sa barko at lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho. Palipat-lipat na namamasukan bago naempleyo sa Philippine Blooming Mills o PBM – isa sa pinakamalaking pabrika ng bakal sa buong Asya noong panahong iyon. Ang PBM, na may 2,000 manggagawa, ay naging bukal ng maraming kadre’t kasapi ng kilusang anti-diktadura. Dito nabuo ang unyon na isa sa naging kasaping tagapagtatag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kung saan si Ka Ronnie ay naging chief shop steward. 

Sa pamamagitan ng pag-uunyon, napanday siya sa bisa ng sama-samang pagkilos sa pagmumulat at pag-oorganisa ng manggagawa. Nang magsara ang PBM noong 1980 (hindi dahil sa labor dispute kundi sa internal na problema ng kompanya), nanatili ang kanyang pagiging aktibista at nagpasyang magpultaym sa kilusan – mula noong hanggang sa kanyang pagpanaw, nanatili ang kanyang tuloy-tuloy na pagkilos sa hanay ng masang anakpawis. Sa panahong ito, kahit sa kawalan ng regular na hanapbuhay, ginawa ni Ka Ronnie ang pagbebenta ng puto kasabay ng pamamahagi ng mga polyeto.

Welga sa Fortune Tobacco. Sa unang mga taon ng dekada 80, si Ka Ronnie ay naging bahagi ng grupo para organisahin ang Fortune Tobacco, na noo’y may 4,000 manggagawa. Sa tuloy-tuloy na pag-oorganisa, nagawang agawin ang unyon mula sa mga “dilawan” at maka-management na pamunuan. Disyembre 1984 nang magtagumpay ang “tunay na unyonismo” sa naturang pabrika, naagaw ang pamunuan. Agad nilang paghandaan ang laban para sa collective bargaining agreement (CBA) na magsisimula sa Oktubre 1985. Inilarga nila ang malawakang pagpapaaral ng GTU (Genuine Trade Unionism course), PAMA (Panimulang Aralin ng Manggagawa). 

Sinimulan din ang iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos sa loob at labas ng kumpanya. Bilang ganting reaksyon kinasuhan ng management ang mga opisyales ng unyon. Sinulsulan din nila ang pagbubuo ng bagong unyong lalaban sa certification election habang sapilitang pinagreresign ang mga manggagawa sa Plant C/D at Redrying, na diumano’y ibebenta sa Trans Union Corporation at Premium Tobacco. Sa pamumuno ni Ka Ronnie at iba pang mga kasama, nagpasya silang paigtingin ang mga pagkilos dahil sa tangkang pagdurog sa unyon (union busting). Oktubre 17 hanggang 20, pumutok ang welga. Pinagharap ng Ministry on Labor and Employment (MOLE) ang dalawang panig. Kung saan, nagpakaisahang mag-“back to work” ang mga empleyado nang walang ganti ang management. Lumakas ang kumpanyansa ng manggagawa sa sama-samang pagkilos. 

Nagsimula ang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) noong Nobyembre. Gumanti ang kapitalista sa pagsuspinde, noong nakaraang buwan ay kaso lang, sa 52 opisyales ng unyon dahil sa “illegal strike” noong Oktubre. Sinundan ito ng pagtatanggal sa mahigit isang daan (125) pang mga aktibong kasapi noong Disyembre. Sinagot itong muli ng welga. Nagpasya ang pamunuan ng KMU na i-angat ang laban bilang “rehiyonal na pakikibaka”, kasabay ng iba’t ibang mga welga tulad ng Cosmos sa Valenzuela. Sa naganap na negosasyon noong Disyembre 1985, umatras ang management para ibalik ang 125 na kasapi ngunit mananatiling tanggal ang 52 lider. Pumalag ang unyon. 

Subalit matapos ang dalawang buwan sa piketlayn, nakaranas na ng demoralisasyon ang mga welgista. Naagaw kasi ng pinagsamang pwersa ng management, eskirol, at pulisya (PC-INP) ang dalawang istratehikong piketlayn (Plant A at Trans Union). Nahahati na ang pwersa sa pagitan ng Fortune Tobacco Labor Union (FTLU) at Fortune Tobacco Independent Workers Union (FTIWU). Pebrero nang pumasok sa kompromiso ang unyon. Subalit tiniyak na kilalanin ng management ang “caretaker committee” ng unyon – pitong kasapi mula sa FTLU at FTIWU, sa pamumuno ng pederasyong NAFLU – upang hindi madurog ang pagkakaorganisa ng manggagawa. Ang panukalang ito ay inihapag ni Ka Lando Olalia ng pederasyon. Si Renato Magtubo ang tumayong pinuno ng naturang komite. 

Ang welga sa Fortune ang isa sa mayor na pangyayaring lumikha ng isang Ka Ronnie Luna. Dito siya natuto – hindi lamang sa bisa ng kolektibong pakikibaka kundi maging sa mga taktikang kaakibat nito kapag hindi na pumapabor ang kalagayan, gaya ng kompromiso, pag-atras, pagpihit, atbp. Ang mga aral sa pakikibakang ito ang tatanganan niya sa pamumuno ng iba’t ibang laban ng manggagawa na kanyang oorganisahin.

Organisador ng Manggagawa at Mamamayan. Matapos ang kanyang karanasan sa welga ng Fortune, bumigat ang responsibilidad na inaatang kay Ka Ronnie at siya ay naitakdang maging susing organisador sa Marikina, Mandaluyong at San Juan. Tinutukan niya ang mga unyonista ng Nissan Mandaluyong, Benguet Management Corporation, at iba pang mga empresa. Sa Marikina naman, naging instrumental ang papel ni Ka Ronnie sa konsolidasyon ng mga unyon sa ARMSCOR, Manila Bay Spinning Mills, Goya, atbp. 

Sa lahat ng nadapuan ni Ka Ronnie, umiigting ang labanan ng mga uri. Inaangat niya ang mga porma ng sama-samang pagkilos – hanggang sa humantong ito sa welga, ang pinakamatalas na sandata ng manggagawa sa pang-ekonomikong pakikibaka. Sa mga pakikibakang ito, napanday ang isang Ka Ronnie. Hindi umasa sa mga pederasyon para sa mga ligal na tulong. Sa halip – sa kabila ng hindi pagtatapos ng elementarya – natutong aralin ang mga prosesong ligal. Batid niya kasing ang bisa ng mga polyeto’t pag-aaral sa pagmumulat ng manggagawa ay isandaang beses na tumitindi kung ang manggagawa ay lumalahok sa laban. 

Sapagkat ang tunggalian ay paaralan ng manggagawa, katulad niyang hinubog ng tunggalian ng ideya at sama-samang pagkilos. Ang kanyang pagkilos sa Marikina ay kinatampukan ng pagbubuo ng “Marikina People’s Council” o MPC, kung saan natipon ang mga demokratikong pwersa sa naturang munisipyo. Dahil dito, nagawa ng kilusan na makapagpaupo ng manggagawa ng Fortune Tobacco bilang konsehal ng pamahalaang lokal (Larry Punzalan). Napabilang din sa inisyatibang ito sina Bayani Fernando at Ome Candazo, na kinalauna’y naging mga opisyal ng gobyerno.

Lider ng Bukluran. Sa pagputok ng tunggalian sa loob ng kilusang Kaliwa sa bansa, tumindig si Ka Ronnie sa “bagong linya”. Itinakwil niya ang lumang linya ng pangmatagalang digmang bayan na umaasa sa magsasaka bilang pangunahing pwersa. Tumindig siya sa pamumuno ng manggagawa sa laban ng bayan upang magtuloy-tuloy ang pakikibaka ng masang anakpawis patungong sosyalismo. 

Taong 1995, nang siya ang naging pinuno sa elektoral na kampanya ni Sonny Rivera ng SANLAKAS sa pagkakongresista ng Pasig. Hinawakan niya ang ikalawang distrito nito. Taong 1996-1998, nang mapabilang siya sa tinaguriang “National Pool of Organizers” (NPO) ng BMP. Una niyang hinawakan ang teritoryo ng Bulacan, kung saan, pumutok ng kaliwa’t kanan ang mga pakikibaka – mula sa grievance hanggang sa welga – sa mga pabrika ng McRyan, Standard Aluminum, Banson Lumber, Ingasco, atbp. Kasama din siya sa pag-oorganisa ng Indophil (pabrika ng sinulid) sa Marilao, na may libo-libong mga manggagawa. Kinalauna’y tinagurian siyang “borderless” bilang organisador. Gamit ang tsapang “Office of the Secretary-General” at “Lagman Law Office”, hindi na nahahangganan ng isang munisipyo o probinsya ang kanyang pag-oorganisa. 

Mula sa paglilipat ng Pacific Glass (Paglamaco) sa San Juan tungo sa ARCYA Laguna hanggang sa pag-agaw ng unyon sa Novelty Philippines na nasa may 3,000 manggagawa at maging sa mga kagilagilalas na aksyon sa Hopewell sa Pagbilao, Quezon at Philippine Geothermal sa Tiwi, Albay. Masipag at walang kinakatakutan. Tumutubo saan man maitanim. ‘Yan ang naging marka ni Ka Ronnie bilang organisador. Taong 1999 nang mahalal siya bilang bahagi ng BMP Central Committee, kung saan, itinalaga siya upang maging organisador ng balangay nito sa Southern Tagalog. Naging tanyag, hindi lamang ang BMP kundi si Ka Ronnie, sa naturang erya. Kasabay ng pagtatayo noong ng mga export processing zones at mga technopark, sumabay din sa pag-oorganisa ang mga unyon at buklod ng BMP, laluna sa Laguna. 

Lumatag din ang impluwensya ng BMP sa pagkakabuo ng Kapatiran ng mga Pangulo ng Unyon (KPUP), kung saan naugnayan ang malalaking mga unyon gaya ng Alaska, Kimberly Clark, Anglo Watson, Unilonseal, atbp. Sa panahon ding ito, naging komon na pulang bandera ang BMP sa mga pabrikang nagpiket o nagwelga sa Calabarzon. Nabasag ang “no strike, no union” sa mga subdivision ng mga eksporter (welga sa GNF, Canlubang Spinning Mills, atbp). 

Hindi rin nakaligtas ang naglalakihang mga pader ng mga industriyal na erya sa mga panawagan at paninindigan ng BMP. Umabot ang saklaw ng pag-oorganisa – sa tulong ng mga kasamang ikinatuwang niya sa mga gawain – maging sa mga probinsyang karatig ng Laguna – hanggang sa Quezon (Peter Paul, mga subcon ng Gelmart, tricycle drivers ng POKTODA, atbp.), at Cavite (RIL, Berenguer Topacio, Lepanto Tiles, AA Ceramics, atbp.). 

Kaya naman, hindi nakapagtataka kung bakit sa mga panahon ng eleksyon (mula 1998 hanggang 2013), malaking porsyento ng boto sa mga partylist na sinuportahan ng BMP ay nagmumula sa Southern Tagalog, kahit tayo ay nagmula sa Maynila at maituturing na ‘dayo’ sa Calabarzon. Mula sa pagiging ordinaryong kagawad, si Ka Ronnie ay permanenteng nahahalal bilang kagawad ng BMP National Executive Committee noong 2001. 

Bilang bahagi ng pambansang organo, siya ay naging responsable sa iba’t ibang linya ng gawain – kahit ang kanyang ispesyalisasyon ay nasa lokal na pakikibakang masa at gawaing kampanya. Isang ganap na kumprehensibong kadre. Nagsusulat. Nagtatalakay. Nagtatalumpati. Nagbabalangkas ng plano – sa kabuuan at sa pakikibakang lokal. Nangangasiwa ng mga gawain. Nagmomobilisa sa mga pagkilos. Naghahain ng mga petisyon sa mga ahensya ng gobyerno. Nag-aalaga ng ugnay sa mga opisyal ng DOLE, simbahang katolika, at iba pang institusyon. Nagpapatupad ng mga panalong desisyon sa kaso. Isang libo’t isang gawain ang kinayang gawin ng kasamang walang tigil sa pagpapaunlad at paghuhubog sa sarili para maging mahusay na unyonista, sosyalista at rebolusyonaryo. Kahit sa huling yugto ng kanyang buhay, mula sa pakikibakang pang-unyon ay nagsisimula na siyang aralin at kabisaduhin ang pakikibaka sa lupa ng mga maralita nang pamunuan niya ang laban ng mamamayan sa Sitio Malipay sa Bacoor, Cavite.

Katangiang Mahirap Pantayan. Mabigat man sa atin ang tanggapin ang kanyang pagpanaw, hayaan nating humimlay si Ka Ronnie para ganap nang makapagpahinga. Mamayapa ang katawang buong sipag at sigasig na inalay sa paglaya ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Kung mayroon mang tunay na nakapanghihinayang, ito ay ang kanyang biglaang paglisan nang hindi natin nakuha – ng buong-buo mula sa kanya – ang kwento ng kanyang mga karanasan. Karanasang punong-puno na mga aral sa praktika ng pagsusulong ng rebolusyon. 

Kulang ang pagpupugay ngayon para kunin ang mga leksyon mula sa kanyang kakaibang paglilingkod sa kilusan ng masang anakpawis. Ganunpaman, sa ating pamamaalam, sumahin natin sa isang salita ang natatanging katangian ng magiting na organisador ng pakikibaka na si Ka Ronnie Luna. Walang iba ito kundi ang KAPANGAHASAN. 

Siya ang kasamang hindi magpapatinag kaninuman, sa anuman, at saan man. Kahit na anong balakid, suliranin o pagsubok ay kanyang hahanapan ng kalutasan. Masalimuot man ang nakitang solusyon, lahat ng ito ay handa niyang suungin – kahit maisakripisyo pa ang kanyang sarili – kung ang magiging resulta (gaano man kaliit ang posibilidad ng kongkretong ganansya) ay ang pagkamulat at pagkakaorganisa ng pakikibaka ng manggagawa, ang uring tutubos sa atin sa sumpa ng kahirapan at pagsasamantala. 

Ang totoong pagpupugay kay Ka Ronnie ay hindi pa ang pagbibigay-puri sa kanyang mga ginawa kundi ang matularan – laluna ang kanyang kapangahasan – ng sinumang nagnanais na baguhin ang umiiral na kabulukan. Sa ganitong paraan, ihihimlay natin ang kanyang pisikal na katawan ngunit mananatili siyang buhay sa ating puso’t isipan para palakasin muli ang kilusang paggawa at kilusang sosyalista sa bansa. Mabuhay ang mapangahas na diwa ni Ka Ronnie Luna! Mabuhay ang mapagpalayang kilusan ng uring manggagawa!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996