STATEMENT OF SUPPORT OF SUPER-BMP TO THE WORKERS OF Pepmaco Workers Union-NAFLU-KMU
Kinukundena ng Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reform (SUPER) - Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang ginawang marahas na dispersal at iligal na pang-aaresto sa manggagawa ng PEPMACO nitong nakaraang Lunes, Agosto 19.
Hinuhuburan ng PNP ang kanilang sarili bilang neutral na institusyon sa tunggalian ng PEPMACO Management at ng Unyon. Klarong-klaro na kasangkapan sila sa pagsasamantala at manggagawa. Masasabi rin ito sa DOLE na hinayaang mabuwag ang picket line ng manggagawa gayung lehitimo at makatarungan ang welga ng manggagawa.
Naninindigan ang SUPER-BMP na kailanman ay makatarungan ang pagkakaisa ng uring manggagawa. Ang laban ng mga kauri namin sa PEPMACO para sa regularisasyon, sapat na sahod, at ligtas na lugar-paggawa ay ang laban ng lahat ng manggagawa sa buong bansa. Ang represyon at iligal na pagpapakulong sa kanila ay repleksyon ng maka-kapitalista at anti-manggagawang oryentasyon ng lipunan kung saan ang gobyerno at pulis na dapat prinoprotektahan ang mamamayan ang siya mismong nagpapagamit sa kapital upang pilayin ang manggagawang ipinaglalaban lamang ang kanyang mga karapatan.
Lagi’t lagi nating alalahanin na ang pag-uunyon at pagwewelga ay produkto ng di makatarungang pagtrato ng mga kapitalista sa mga manggagawang lumilikha ng yaman ng lipunan. Pagka’t sa pagkakaisa lamang ng uring manggagawa makakamit ang tunay na pagbabago sa loob at labas ng pabrika.
Inaanyayahan ang lahat ng manggagawang Pilipino na magbuklod upang igiit ang ating mga karapatan at panawagan sa malawak na pagbabago sa ating lipunan.
URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento