BMP STATEMENT MAYO 1, 2020
(Mababasa rin dito: bit.ly/mayouno2020)
KALUSUGAN, KABUHAYAN, KAPAKANAN, AT KAPANGYARIHAN SA MASANG MANGGAGAWA
Sa Araw ng Paggawa ngayong taon - sa gitna ng pananalasa sa maraming bansa ng sakit na COVID19 at sa malawakang kagutuman ng milyon-milyong Pilipinong hindi makapaghanapbuhay dahil sa kwarantina, tahasan nating idinedeklara na:
Makakamit lamang ng masang manggagawa ang malusog na katawan at isipan, regular na hanapbuhay na may sapat na kita, at panatag na buhay na may maalwang na kinabukasang maipamamana sa susunod na henerasyon - kapag nakamit na ng uring manggagawa, ang totoong mayorya sa lipunan, ang kapangyarihang pampulitika para distrungkahin ang kasalukuyang bulok na kaayusang nakabatay sa tubo at sa pribadong pag-aari ng iilan.
Hangga’t ang may hawak sa kapangyarihan ay ang mga kinatawan ng interes ng kapital, na organisadong pwersa ng dahas at panunupil ng iilan sa nakararami, ang batas na kanilang babalangkasin at ipapatupad ay maglalagay sa panganib sa buong sambayanan.
Ang patunay ng peligrong hatid ng paghahari ng minorya sa mayorya ay makikita kung ano ang nilalaman at paano ipinapatupad ang lockdown o kwarantina, na kanilang ipinataw sa sambayanang Pilipino.
KALUSUGAN NG MASA: ISINAKRIPISYO SA NGALAN NG TUBO
Bago pa man ang pandemyang COVID19, naghihingalo na ang health care system ng bansa. Mayroon lang tayong 101,688 hospital beds, na nakakalat sa 1,223 ospital sa buong bansa. 75% ng ospital ay pribado.
Ang ideyal na bilang ay 44 health care workers (doktor, nars, medtech) sa bawat 1,000 Pilipino. Sa ngayon, mayroon lamang tayong 19 health care workers sa bawat 10,000 katao. Ang bilang ng ventilator (na kailangan ng pasyente ng COVID) sa bansa ay nasa 1,572 lamang, kung saan 423 ang nasa Metro Manila.
Taon-taon may 26,000 nars ang nakakapasa ng board exam mula 2012 hanggang 2016. Subalit sa panahon ding ito, 18,500 nars kada taon ang lumilikas para maging OFW. Tinayang may kakulangan ng 23,000 nars sa buong bansa. Samantala, nasa 150,000 nars ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Estados Unidos.
Kung ang transmisyon ng COVID19 ay nasa 10% sa 107 milyong populasyon, at kung 10% ng magkakasakit ang mangangailangan ng ospitalisasyon, ito ay nasa 1.07 milyon pasyente na (ibig sabihin nito, isa sa bawat sampung maoospital sa COVID19 ay walang hospital bed!).
Subalit hindi naman lahat ng nagkakasakit ay nagpapaospital, ayon sa datos, 6 sa bawat 10 Pilipino ang namamatay nang hindi nagpapakonsulta sa doktor. Lagpas kalahati (56%) kasi ang dumudukot sa sariling bulsa (own-pocket) kapag naoospital. At marami (kahit mga may-kaya) ay lumalabas sa ospital nang naghihikahos. Sabi nga ni manong taxi driver, na nainterbyu, sa simula pa lang ng lockdown, “Mahirap maging mahirap”.
Ito ay sa usapin pa lamang ng health care system, na nakatuon sa pagpapagaling ng may-sakit. Paano naman ang prebensyon ng sakit? Kailangan ay may maayos na nutrisyon at malinis na tubig.
Ang problema sa kakulungan sa nutrisyon ay ramdam sa mga kabataan. Sa bawat araw, 95 bata ang namamatay sa malnutrisyon. 27 sa bawat 1,000 bata ang hindi umaabot sa ika-limang taon. Isa sa bawat tatlong bata ang maliit kumpara sa kanyang edad. Ang dalawang taong pagkaantala sa nutrisyon ay maaring maging permanente, di na kayang maihabol pa, o nakamamatay.
Ibang usapin pa ang kawalan ng malinis na tubig, hindi lang dahil ito ay batayang pangangailangan ng katawan ng tao. Bukod dito, ang paghuhugas ng kamay sa minimum na 20 segundo ang isa sa pinakamabisang paraan para labanan ang pagkalat ng COVID19. At ayon sa World Bank, 10% (10 milyong Pilipino) ang walang akses sa malinis na tubig!
Pinalala ng COVID19 ang matagal nang mga banta sa kalusugan ng mamamayang Pilipino. Kulang sa medikal na personel. Kulang sa ospital. Kulang sa malinis na tubig. Kulang sa nutrisyon.
Bakit ganito ang nangyari? Dahil sa patakaran ng pribatisasyon. Ito ang patakaran ng pagsasapribado ng mga batayang serbisyo na dapat ay binibigay ng mura o libre ng gobyerno sa kanyang mamamayan. Tubig. Kuryente. Ospital. Paaralan. At oo, maging internet. Kapalit ng buwis na kanyang kinakaltas sa mamamayan, lalong higit sa mayayaman (na kung tutuusin, ay mas maraming ligal na paraan para makaiwas sa kanilng obligasyon sa gobyerno).
Ang pandemyang COVID19 ang pinakamatibay na argumento laban sa pribatisasyon ng mga serbisyong pangkalusugan (at iba pang batayang pangangailangan). Simula sa Mayo Uno 2020, dapat mamulat ang kilusang paggawa na tumugon ito sa panlipunang usapin - gaya ng pangkalahatang kalusugan ng mamamayan, bukod pa sa pagtitiyak sa mga probisyon sa CBA ng mga unyon ukol sa occupational health and safety, medical insurance (bukod sa Philhealth), atbp.
KABUHAYANG ITINIGIL NG KWARANTINA
Milyon-milyon ang itinulak sa kawalang trabaho at kagutuman ng biglaang pagkwarantina sa buong bansa. Mayorya kasi ng lipunan ay mga manggagawa. Walang pag-aari kundi ang lakas-paggawa. Halos lahat ng pangangailangan ay kailangang bilhin. Magkakapera lamang kung magbabanat ng buto kapalit ng sweldo.
Hindi tayo kinonsidera ng gobyerno nang ipataw nito ang kautusang mag-“stay at home”. Noong una’y nakiusap lamang ito sa mga employer na ipagamit ang ating mga sick leave at vacation leave. Suhestiyon daw na magkawanggawa sila para sa atin.
Subalit nang maobliga nang bumunot mula sa pondo ng gobyerno, maglalaan daw ng 5K para sa sahurang empleyado ang DOLE sa pamamagitan ng programang CAMP (Covid Adjustment Measures Program). Nga-nga! Employer kasi ang mag-iinisyatiba para maghain sa kanilang manggagawa. Kailan pa kinalinga ng mga kapitalista ang kapakanan ng kanilang manggagawa? Hindi nga sila nakokonsensya na magbigay ng kararampot na sweldong hindi makakapagbigay ng disente’t marangal na buhay sa ating mga pamilya! Lalo pa sa panahong hindi tayo nagtatrabaho, hindi umaandar ang kanilang negosyo, at higit sa lahat, hindi natin nililikha ang kanilang tutubuin at ating seswelduhin!
Ang masakit, nang dumagsa na ang hinain ng mga employer, sinabi ng DOLE na ubos na ang kanilang pondong P1.6 bilyon. Subalit huwag daw tayong mag-aalala. Dahil naihanda diumano ni Sonny Dominguez ng Department of Finance ang P256 bilyon para sa medium-small-microenterprises (MSMEs) na bibigyan ng wage subsidy para may ipapasweldo sa kanilang manggagawa.
Nga-nga ulit, mga kamanggagawa! Paano ang milyon-milyong sumesweldo sa mga kumpanyang hindi itinuturing na MSME ng gobyerno? Paano tayo na inabot na ng mahigit isang buwan ngunit hindi naman nakinabang sa naunang DOLE-CAMP (at hindi naman papasok sa kategoryang “poorest of the poor” para sa 4Ps program ng DSWD)?
Ganyan rin ang nangyari sa social amelioration program (SAP) ng DSWD. Makalipas ang anim na linggo, 22% pa lamang ng target ang nabahaginan ng SAP dahil sa burukratikong proseso para ma-avail nito tulad ng validation ng beneficiaries. Dagdag mo pa kung paano namamanipula ng mga pultiko ang ayudang ito. Ganito tayo suklian ng gobyerno (matapos ang mahabang panahong ang ating pagtatrabaho ang siyang pinagmumulan ng industriyal na tubo, renta sa lupang inookupa ng ating employer, interes sa kanilang utang, at buwis sa sahod at tubo! Gagawin tayong mga pulubi. Nawalan ng dangal ang paggawang lumlikha ng pangangailangan at bumubuhay sa tao!
Wala naman talagang pakialam sa ating pagtatrabaho ang nasa gobyerno.
Hindi ba’t agad nitong inutos ang pagtigil sa pampublikong transportasyon - kahit pinahintulutan ang pagtatrabaho ng tinaguriang mga magigiting ng “frontliner”? Ano ang nangyari! Ang nars, at iba pang nagtatrabaho sa mga ospital (bukod sa mga duktor na karaniwang naka-kotse) ay naglalakad para pumasok sa trabaho!?! Walang pakialam ang pala-utos na gobyerno. Kaya nga’t hindi pinaghandaan ang pagkuha ng mga kasangkapan sa kanilang proteksyon (face mask/shield, personal protective equipment, atbp.) para sa mga medical frontliner!
Ang lockdown ay nangangahulugan ng ibayong gutom para sa masang manggagawa. Kaya naman, marami ang papabor sa pag-aalis ng mga restriksyon upang pahintulutang makapagtrabahong muli ang mga tao. May mga employer nang nagpanukala nito sa dulong linggo ng Marso. Pinahinto kasi ang produksyon at distribusyon. Tumigil kasi ang sirkulasyon ng kalakal at kapital. Hindi na lumilikha ng bagong halaga ang manggagawa. At kapag walang nabebentang kalakal, hindi nila nalalasap ang tubo sa anyo ng pera.
Hindi pwedeng isakripisyo ang manggagawa sa altar ng tubo. Alam nating mas makikipagsapalaran ang manggagawa sa posibleng kontaminasyon sa COVID19 kaysa sa tiyak na gutom sa kanyang pamilya. Subalit, kailangang ilagay lahat ng proteksyon para tiyak na hindi mahawa ng manggagawa ang myembro ng kanyang tahanan kung sakaling makontamina siya ng COVID19 dahil sa pag-alis ng bahay upang makapagtrabaho.
Proteksyon sa paggawa! Ipatupad ang social distancing sa trabaho. Gastusan ng employer ang face mask/shield, o PPE kung kinakailangan. Regular na paglilinis (disinfection) sa mga sasakyan. Shuttle bus para ihatid ang mga manggagawa. At higit sa lahat, bilang pagkilala sa risko na kanilang pinapasok sa pagtatrabaho, doble o tripleng sahod bilang hazard pay!
Sa kabilang banda, may positibong ipinamalas ang lockdown sa usapin ng paggawa. Ang pansamantalang pagtigil sa pang-ekonomikong aktibidad ay nakabubuti sa kalikasan at ekolohiya. Subalit higit dito, sobra-sobra na ang nalikha ng tao kaya’t maari nang tumigil sa pagtatrabaho. Ang problema sa kagutuman at kahirapan ay hindi ang kakapusan sa produksyon ng pangangailangan; kundi nasa distribusyon nito, dahil ang mga ito ay kalakal na kailangan munang bilhin ng tao bago makatugon sa anumang pangangailangan.
Ano ang ibig sabihin nito? Sa inabot na produktibidad ng tao, may kapasidad na tayong bawasan ang oras ng pagtatrabaho sa isang araw (working day) at araw ng pagtatrabaho sa isang linggo (workweek) - nang walang kabawasan sa sahod ng manggagawa. Mula sa pandemyang COVID19, isisilang ang bagong kilusan para sa pagbabawas ng oras at araw ng pagtatrabaho. Ito ang isa sa mga kilusang maghuhubog sa tinaguriang “new normal”, sa isang post-COVID na pandaigdigang ekonomya.
KAPAKANANG HINDI PRINAYORIDAD NG ELITISTANG GOBYERNO
Ang pamamahagi ng pagkain sa populasyong gutom at nakakwarantina ang unang sukatan kung totoo ngang kinakalinga ng gobyerno ang kanyang mamamayan. Wala nang singlinaw pa sa pahayag ni Dra. Rowena Mangubat. Aniya, “Nauubos din ang mga doctors. Ipamahagi niyo ang mga pagkain para hindi lumabas ang mga tao. Kung hindi, mauubos tayong lahat”.
Ang tagumpay ng ipinapatupad ng lockdown ay nakasalalay sa pamimigay ng pagkain sa mamamamayan. Hindi ito simpleng usapin ng kawalan ng disiplina. Kahit sinong magulang, gaano man kadisiplinado, ay lalabas ng bahay at gagawa ng anumang paraan, mapatigil lamang ang kumakalam na sikmura ng kanyang mga anak.
Ang problema sa distribusyon ng ayuda ay nasa bulok na pulitika na namamayani sa ating bansa. Nakuha na ng Malakanyang ang hinangad niyang pagkonsentra ng pondo sa executive branch. Pinadaloy ito sa mga LGU o local government units (kahit pa alam ng lahat na ang mismong makinaryang ito ay tadtad ng korapsyon). Ang standard-operating-procedure (SOP) sa pamahalaang lokal ay ang paggamit sa rekurso at pondo ng gobyerno para mapanatili sa poder ang mga naghaharing pampulitikang angkan.
Sa ayuda sa panahon ng kwarantina, nag-anyo ito hindi lamang sa pagtatatak sa mukha ng pulitiko sa binibigay na relief goods. Mas masahol dito ay ang pagtitiyak ng mga makinarya ng pulitiko na mabiyayaan muna ang kanilang mga pamilya (mula sa konsehal hanggang sa ward leader ng mga barangay). Ang masakit, ang sahurang manggagawa, na hindi naman aktibo sa mga pulitika sa barangay dahil abala sa paghahanapbuhay at kapag hindi naman nabibilang sa malaking pamilyang sinusuyo ang boto tuwing eleksyon - ay siguradong hindi na mabibiyayaan ng ayuda mula sa LGU. Kahit pa ang kanyang pagtatrabaho ang pinagmulan ng sahod at tubo, na pinagkukunan ng buwis ng kapitalistang estado!
Dahil dito, ang manggagawa ang dapat manguna sa pagigiit ng audit sa lingguhang ulat na dapat na gawin ni Duterte sa taumbayan. Saan napunta ang trilyon-trilyon pisong pondo para sa COVID19? Hindi lamang ang pondo mula sa badyet ng 2020 kundi ang utang at ayuda sa mga pinansyal na institusyon gaya ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).
May karapatan ang manggagawa sa usaping ng pampublikong utang. Una, dahil dapat siyang makinabang dito. Ikalawa, dahil kasama siya sa pagbabayad nito! Kung gayon, kaisa rin siya ng sambayanang Pilipino na kahilingang huwag nang bayaran ang nauna nang utang ng gobyerno. Bayad na ito nang higit sa prinsipal. Kalabisan nang ibayad pa dito ang pondo lubos na kailangan ngayon para iahon sa gutom at kahirapan ang sambayanang Pilipino.
Nagdulot man ng paghihikahos ang ipinataw na kwarantina. Ang ginagawa ngayong “grow your own food” ng mamamayan ay sumisilip sa mga kahinaan ng kasalukuyang “import dependent, export oriented economy”. Tayo ay isang tropikal na bansang pinagyaman ng matabang lupa at maayos na klima. Kabalintunaang umaasa tayo sa importasyon ng pagkain, laluna ng bigas. Kailangang ayusin ang plano sa paggamit ng lupa upang iprayoridad ang agrikultura kaysa sa komersyo, na pinakikinabangan lamang ng mga negosyanteng landlord at mga nagpipinansya sa kanila. Balangkasin ang panibagong ekonomyang pangunahing nakatuon sa pangangailangan ng mga Pilipino hindi sa mga dayuhang monopolyo korporasyon.
KAPANGYARIHAN SA IILAN: "SUMUNOD NA LANG KAYO" PARA SA NAKARARAMI
Gaya nang ating nabanggit sa simula, ang kailangan ng manggagawa ay pampulitikang kapangyarihan upang tiyakin ang kanyang kalusugan, kabuhayan at kapakanan - na sumasaglit sa isip ng gobyerno kung kailangan ito para lumikha ng tubo sa kapital. Malusog para magtrabaho. Sumesweldo para bumalik sa trabaho sa susunod na araw. Pinaiiwas sa sakit o delubyo para manatiling produktibo sa paglikha ng tubo, buwis, at renta para sa iilang naghahari at nagmamay-ari sa lipunan.
Teka. Iyan ay mistulang isang diktadura?! Hindi ba’t nasa ilalim tayo ng diumano’y demokrasya? Oo. May kapangyarihan ang manggagawa - bilang magkakahiwalay na botante - na pumili tuwing eleksyon kung sino ang susunod na magsasamantala at manloloko sa atin.
Sa pagitan ng mga halalan, tayo ay pinepwersang maging maamong tupa. Sinasabihan na “sumunod na lang kayo”. Kinakastigo dahil kulang daw sa “disiplina”. Ang trabaho ng mga manggagawa bilang mabuting mga indibidwal na mamamayan ay sumunod, kahit inaabuso ng mga nasa kapangyarihan, kahit binabataan ng dahas o kamatayan sa mga checkpoint, kahit binabaril ng mga abusadong pulis (gaya ng nangyari sa ex-army na si Winston Ragos).
Narito ang kahinaan ng mga ginagawa ng rehimeng Duterte laban sa COVID19. Ang taumbayan ay hindi kasali. Taliwas sa ginawa ng sosyalistang bansang Vietnam, na kahit mas maliit ang ekonomya kumpara sa Pilipinas, ay nagawang maimobilisa ang gobyerno at ang taumbayan para pigilan ang pagkalat ng pandemya. Sa Vietnam, umasa ang gobyerno hindi pasibong sa pagpapasunod sa taumbayan kundi sa kanilang aktibong partisipasyon sa mga hakbang para labanan ang pandemya.
Nakakamit lamang ng manggagawa ang ganitong kapangyarihan, kung sila ay organisado. Ito ang unang aral na natututunan ng manggagawa sa pag-uunyon. Mag-isip at kumilos para sa kapakanan ng kabuuan. Hindi sa watak-watak at kanya-kanyang indibidwal na interes. Armado ng kaisipang lahat ng manggagawa ay magkakapatid bilang uri. At dahil organisado ay may kapangyarihan at lakas para baguhin ang kanilang kalagayan.
Ang ganitong mulat na disiplina ang nagpanday sa mamamayan ng Vietnam para tugunan ang salot na COVID19, na siya ring ginawa ng kanilang mga ninuno nang talunin sa digmaan ang Estados Unidos na pinakamakapangarihang bansa sa daigdig. Ito rin ang klase ng disiplinang bakal na kinatatakutan ng mga naghaharing uri sa Pilipinas at sa buong daigdig.
Dalawang pwersa ang kailangang magsanib para iligtas ang sangkatauhan sa COVID19: (a) syensya para sa kabutihan ng lahat at (b) pagkakapatiran ng sangkatuhan. Iisa ang banta laban dito - ang interes ng mga kapitalista, ang kapangyarihan ng pribadong pag-aari. Sapagkat ang matutuklasang bakuna ay pipilitin ng mga korporasyong medikal na magiging kalakal imbes na maging serbisyo sa sangkatauhan. At magagawa nila ito, kung mananatili ang pagkakanya-kanya ng mga tao, na gagawing magkakumpetensya bilang buyer sa merkado ng naturang bakuna. Ang tanging uri na maaring lumagpas sa ganitong makitid na pag-iiisip ay ang uring manggagawa.
Kung gayon, sa okasyong ito ng Mayo Uno - at sa darating na mga araw na pagtatalunan ang mga patakaran sa ilalim ng “new normal” sa isang pandaigdigang ekonomyang sinasalanta ng COVID19, isulong natin ang mga kagyat at pangmatagalang mga kahilingang mag-oorganisa sa kapangyarihan ng masang manggagawa at magtuturo sa istorikal na direksyon ng ating pakikibaka.
Tungo sa lipunang totoong kumakalinga sa interes ng lahat ng myembro ng lipunan, hindi lamang para sa iilang may-kapital. Isang lipunang totoong asosasyon, hindi separasyon, ng mga tao. Isang lipunan ng pagkakapatiran at kooperasyon, hindi kompetisyon, sa pagitan ng mga tao. Isang sosyalistang lipunang ipupundar ng kilusang paggawa at magbabagsak sa paghahari ng kapital.
Itaguyod ang kalusugan, kabuhayan, kapakanan ng mamamayan. Kapangyarihan sa masang manggagawa! #
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento