Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Dec 2, 2020
Mapanlinlang ang isinabatas na Security of Tenure Bill (House Bill 7036). Ang idudulot nito ay hindi seguridad kundi kawalang katiyakang hanapbuhay sa mga kontraktwal na manggagawa. Hayagang pinayagan nito ang pag-iral ng mga third party service providers gaya ng mga manpower agency, service cooperatives, at job contractors - na nagsusuplay ng mas mura at maamong manggagawa sa mga may-ari ng pabrika.
Ang problema, hinahanap ng Batasan ang "legitimate contracting" (at, sa matagal na panahon, pinakikitid ang depinisyon ng "labor-only contracting" na ipinagbabawal na ng Labor Code).
Ang pananatili sa lehitimong pagkokontrata ay alinsunod sa kagustuhan ng dalawa: (1) mga principal employer na nais umiwas sa kanilang obligasyon sa mareregular na mga empleyado, (2) mga kontratista na "laway lamang ang puhunan" ngunit nagkukunwaring may substansyal na kapital, kontrol sa paggawa, atbp., atbp. Ang motibo ay pigain ang mas malaking tubo mula sa mga kontraktwal na manggagawang hindi makareklamo dahil sa banta ng terminasyon ng kontrata at kawalan ng ikabubuhay.
Sa House Bill 7036, tuloy ang kontraktwalisasyon dahil tumibay ang ligal na batayan nito. Gagamitin ng mga principal employer ang HB7036 para ubusin ang kanilang regular na manggagawa at palitan sila ng mga kontraktwal. Gagawin nila ito nang idinadahilan ang pandemya't resesyon para hindi na sumunod sa mga kinakailangang ligal na proseso sa pagtatanggal ng mga manggagawa (just cause and due process).
Wakasan ang lahat ng anyo ng kontraktwalisasyon!
Manggagawang kontraktwal, gawing regular!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento