Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Biyernes, Abril 17, 2020

Pagbitiw ni Pernia sa NEDA: Sentralisasyon ng Ekonomya sa Pagpapasya ng Tubo


PAHAYAG
Abril 17, 2020

PAGBITIW NI PERNIA SA NEDA: SENTRALISASYON NG EKONOMYA SA PAGPAPASYA NG TUBO

Lahat na ng kapasyahan ukol sa ekonomya (mula sa pagpaplano hanggang sa pagkuha ng pondo) ay nasa kamay na ni Sonny Dominguez ng DOF.

Sa mga nakaraang araw, kita na ang kapangyarihan ni Sec. Sonny Dominguez. Kasabay ng kanyang anunsyo na may P50.8 bilyong wage subsidy para sa maliliit na establisyemento ay ang pagtigil naman ng DOLE-CAMP dahil naubos na diumano ang P1.6 bilyon na pondo nito. Siya rin ang sumagot na hindi opsyon ang moratoryum o pagtigil sa pagbabayad ng mga utang ng gobyerno bilang bahagi ng pagtugon sa COVID19.

Ang sabi ni Pernia, magkaiba raw ang kanilang pilosopiya ukol sa kaunlaran sa kanyang mga kasamahan sa Gabinete. Siguradong walang iba ito kundi ang dominanteng posisyon at pagpapasya na hawak ngayon ni DOF Sonny Dominguez.

Hindi kami naniniwalang may substansyal na kaibhan ang kanilang pananaw sa "kaunlaran". Pareho silang sumasamba sa doktrina ng "neoliberalisasyon", sa mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at kontraktwalisasyon. Ano ang depinisyon ng kaunlaran ayon sa kanilang sinasambang doktrina? Ang kaunlaran ay magmumula sa pag-unlad ng negosyo. Kapag umunlad ang negosyo, uunlad ang buhay ng mga tao. Ito ay kasinungalingang kasing tanda ng pagsasamantala ng tao sa tao. Matapos ang tatlong dekada nang mamayagpag ang doktrinang ito sa buong mundo, kitang-kita kung paano sinakal ng imbsibol na kamay ng merkado ang leeg ng sangkatauhan alang-alang sa tubo.

Kapag umunlad ba ang korporasyon ay umuunlad din ang buhay ng manggagawa? Maari. Subalit pulga-pulgada lamang kung umalwan ang kanilang buhay, na kailangang idaan pa sa sama-samang pakikibaka't pakikipagtawaran para sa mumunting pagtaas ng sweldo, habang milya-milya kung umunlad ang kapitalista - mula sa maliit na negosyo ay nanganganak ng panibagong negosyo, nakikipagsosyo at pumapasok sa ibang industriya, nakakapagtayo ng bangko - hanggang ang kanilang may-ari ay mailalagay na sa listahan ng iilang bilyonaryong naghahari sa bansa.

Saan naman nagkakaiba ang dalawa? Mas agresibo sa pagsusulong ng neoliberal na doktrina si DOF Sec. Dominguez kumpara sa dating NEDA chief na si Pernia. Sapagkat si Pernia ay ekonomistang hinulma ng akademya. Si Dominguez ay nagmula sa negosyo (BPI, Alcantara group, Philippine Airlines, RCBC, atbp.). Sa madaling salita, sa pananaw ng mga negosyante, hindi pang-gyera si Pernia. Mababakas ang kanyang tindig sa papel ng NEDA noong Marso 19.

Nag-aalala ang NEDA (sa ilalim ni Pernia) sa posibilidad na ang sitwasyon - bunga ng mga interbensyon sa COVID - ay lumala sa isang krisis pampulitika at panlipunan. Dahil dito kailangan daw na ang mga pagtugon ng gobyerno ay kailangang bumabalanse sa mga layuning pangkalusugan at pang-ekonomiko, partikular sa magkakaibang epekto nito sa mga iba't ibang sektor at uri sa lipunan.

Ani NEDA, "The response measures going forward should be re-configured to delicately balance the health and economic objectives, particularly as the impact varies by economic class. Otherwise, the situation could deteriorate to a social and political crisis".

Narito ang peligro. Walang ganitong pagbabalanse si Dominguez. Maging sa utang panlabas nga ay hindi niya maikunsiderang huwag munang magbayad dahil lubos na nangangailangan ng pondo para sa pantustos ng mamamayang nagugutom habang nakakwarantina. Sino ang umuudyok kay Sec. Dominguez? Ang mga negosyanteng takam na takam na paluwagin ang mga retriksyon ng lockdown para umagos muli ang kanilang tubo. Tinutulak nila ang pagluluwag sa lockdown kahit hindi pa handa ang ating naghihingalong health care system sa malawakang kontaminasyon ng COVID19.

Hindi magtataka ang manggagawa kung itulak ni Dominguez ang agarang pagluluwag nang walang konsiderasyon sa kalusugan ng mamamayan. Ang ugat nito ay hindi pa ang personal na pag-uugali ni Dominguez. Maari pa ngang relihiyoso siyang tao dahil sa pag-aaral niya sa mga Hesuita mula elementarya hanggang kolehiyo (Ateneo de Davao, AdMU).

Subalit ang estado ay nagsisilbi sa interes ng naghaharing uri - ang uring kapitalista. Pinapagana ng utak na ang tanging naiintindihan ay ang lohika ng tubo, tubo, at tubo. Si Duterte bilang "Chairman of the Board" ng mga kapitalista ang mapagpasya. Ang kapangyarihang ito, sa usaping pang-ekonomya, ang iginagawad niya kay Dominguez, na kanyang pinagkakatiwalaan sapagkat mas ma-utak daw sa kanya kahit noong sila'y magkaklase sa pagkabata.#

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996