Pahayag
17 August 2020
SABI NG GRUPONG MANGGAGAWA KAY ROQUE: ANG IYONG TOKSIKONG PAGKA-POSITIBO AY KAHANGALAN AT NAKAGAGALIT
Tinuligsa ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) si Harry Roque, ang tagapagsalita ng pangulo, dahil sa mga komento nito hinggil sa nakaraang SWS survey na nagpapakitang ang 45.5% ng may gulang o adultong Pilipino – o 27.3 milyong katao – ang walang trabaho.
Nakita sa survey – na isinagawa noong Hulyo 3-6 – na 21% ng adulto ay nawalan ng trabaho/ikinabubuhay noong panahon ng krisis ng COVID-19. May 21% pang nawalan ng trabaho/ikinabubuhay bago pa ang pandemya.
"Habang masaya niyang ipinapahayag ang datos na ang mga nawalan ng trabaho ay hindi umabot sa 100% at sa paggigiit pang ito'y dahil sa ating pagiging may kakayahang umakma sa panahon, grabeng ininsulto ni G. Roque ang 27.3 milyong Pilipinong nawalan ng trabaho na di na malaman ang gagawin kung paano pa mabubuhay sa mga susunod na araw. Ang kanyang toksikong pagka-positibo ay kahangalan at nakakagalit," sabi ni Pangulong Luke Espiritu ng BMP.
Pagkahumaling sa resiliyensa
"Ang nakakasukang pahayag ni G. Roque ay isa na namang pagtatangka ng rehimeng Duterte na balewalain lang ang tindi ng sitwasyong kinakaharap ng milyun-milyong manggagawa habang walang kawawaang tinatapik ang sarili nilang balikat kahit na sila'y walang kakayahang tumugon sa pandemya!" dagdag pa ng abugado ng paggawa.
"Ang datos mula sa SWS ay hindi ebidensya ng kakayahang umakma ng mamamayang Pilipino sa pagtangan sa krisis dulot ng pandemya. Sa halip, patunay ito ng kawalang kakayahan o harapang pagtanggi ng rehimeng Duterte na epektibong matugunan ang kalagayan ng masang manggagawa," sabi pa ni G. Espiritu.
Dati nang kinalampag ng BMP ang mahigpit na programang stimulus ng administrasyong Duterte na layuning tulungan umano ang mga manggagawa at MSME lamang ng P162 Bilyong nakalaan sa Bayanihan to Recover As One 2 (HB 6953) kumpara sa nasa 1 trilyong inirerekomenda ng ilang mga ekonomista, think tanks, at mga unyon sa paggawa.
Malawakang programa ng pampublikong pag-eempleyo
Sinabi pa ni Espiritu na "hindi lang numero ang 45%. Sinasagisag nito ang 27.3 milyong naghihirap na Pilipino. Ang nakakainis pa sa sinabi G. Roque ay hindi lang ang pagwawalang bahala niya sa kahirapan at pagdurusa ng halos kalahati ng bilang ng pwersa ng paggawa, wala rin siyang ipinakitang anumang plano kung paano nila matatakasan ang kanilang paghihirap. Hinggil naman sa plano ng rehimeng Duterte para sa sapat na kapasidad ng ating sistemang pangkalusugan laban sa pandemya, wala silang masabi hinggil sa isang komprehensibong plano upang magkaroon ng ikabubuhay ang mga nawalan ng trabaho."
Isinusulong ng BMP ang isang pampublikong programa sa pag-empleyo na nakaangkla sa pagbuo ng mga trabaho sa mga sektor ng kalusugan at paggawa ng pagkain ay kinakailangan upang mabawasan ang datos ng nawalan ng trabaho. Binigyang diin din nila na maaari ring bigyang pansin ng programa ang pagbuo ng mga trabahong pangklima, na ang trabaho’y mula sa makatarungang paglipat mula sa maruming fossil fuels tungo sa malinis at nagbabagong enerhiya, mula sa ekolohikal na nakakapinsala't pumipigang industriya ng pag-eksport hanggang sa mga pang-ekonomiyang aktibidad na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
"Ang patuloy na ayudang panlipunan para sa mga nagtatrabaho, walang trabaho at maralitang Pilipino ay kinakailangan, kasama ang pampublikong pamumuhunan sa mga estratehikong sektor ng ekonomiya upang lumikha ng trabaho. Upang baligtarin ang tumitinding resesyon, dapat nating baligtarin ang kasalukuyang ekonomyang nakadepende sa pag-import at nakatutok sa pag-eksport tungo sa pagprayoridad ng produksyon at distribusyon ng batayang pangangailangan ng ating mamamayan. Ayuda at trabaho! Unahin ang pangangailangan ng mamamayan!", pagtatapos ni Espiritu. #
Upang makipag-ugnayan, mangyaring kontakin si Luke Espiritu
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento