Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Martes, Agosto 18, 2020

Pakikiisa ng BMP sa manggagawa ng PhilHealth

PAHAYAG
Agosto 18, 2020

PAKIKIISA NG BMP SA MANGGAGAWA NG PHILHEALTH

Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay nakikiisa sa mga kawani ng Philhealth, na kinakatawan ng PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth-WHITE), sa kanilang panawagan para sa imbestigasyon sa nabulgar na anomalya sa pondo ng pampublikong institusyon ng health insurance.  

Sumusuporta din kami sa tama at napapanahong panawagan ng PhilHealth-WHITE para sa pagtatalaga ng caretaker sa naturang institusyon kasabay ng pagbibitiw at leave of absence ng mga opisyal nito.  

Sa pagtatalaga ng caretaker, dapat sundin ni Duterte ang PhilHealth Law (Republic Act 11223 o Universal Healthcare Law) ukol sa kwalipikasyon ng itatalagang pinuno ng Philhealth. Nakasaad sa batas na dapat mayroon siyang sapat at kinakailangang pagsasanay at minimum na pitong (7) taon na karanasan sa larangan ng public health, management, finance, at health economics o kombinasyon ng naturang mga kasanayan. 

Subalit, dahil matagal nang isyu ang korapsyon sa PhilHealth, kailangang lumagpas pa sa minimum na rekisito na itatakda ng batas. Hindi tulad ng pagkakatalaga kay Ricardo Morales na maaring pumasa sa batas dahil sa kanyang track record bilang CEO ng AFP Mutual Benefit Association Inc, at vice president at general manager ng AFP General Insurance Corporation. Subalit kapos na kapos ang kanyang karanasan para maging timon ng Philhealth. 

Hindi lamang dahil may ito ay milyon-milyong myembro na lumawak pa nang ginawang unibersal ang coverage nito noong Pebrero 2019. Mas pa, kumpara sa sundalo't kapulisan na regular ang kinikita (at taon-taong pang nagkakaroon ng pagtataas sa badyet ang AFP-PNP), ang myembro ng Philhealth ay karamihang mga nagmula sa mga manggagawang kapos na kapos ang kinikita at mga nagmula sa informal sector na hindi konsistent ang mga hanapbuhay. Napakalaking insulto sa amin na mabalitaan ang mga nabulgar na korapsyon sa Philhealth (pati ang diumano'y sakit ng mga opisyal nito para makaiwas sa imbestigasyon ng senado). Iyan ay pera namin. Mula sa sama-samang pawis at dugo ng libo-libong manggagawa't mahihirap, na wala nang aasahan pa kundi ang Philhealth kung kami ay magkakasakit o maoospital. Alam naman nating lahat na wala nang mabubunot pa ang masang Pilipino para sa mga gastusin sa pagpapaospital at pagkakasakit sapagkat ang kanilang sweldo't kita ay kulang pa nga sa kanilang pinakabatayang pangangailangan sa araw-araw.  

Dahil dito, iginigiit ng BMP (sa ngalan ng aming kasapian na pawang mga myembro at nagbibigay ng kontribusyon sa Philhealth) na ilagay ang isang caretaker na hindi lamang eksperto sa larangan ng health insurance. Nananawagan kami na ihirang dito ang isang pinuno na may napatunayang integridad, walang bahid ng korapsyon, at makakapagbigay ng buong atensyon sa paglilinis ng ahensya at sa pagtitiyak ang patuloy nitong pagseserbisyo sa mga myembro (hindi sa mga pribadong ospital, na dati nang nasangkot sa mga anomalya ukol sa medical reimbursement). 

Sumusuporta kami sa panawagan ng Philhealth-WHITE na maging ang chairperson ng Philhealth Board na si DOH Secretary Francisco Duque ay lumiban din sa mga imbestigasyon. Hindi lang ito dahil sa kanyang lumulubog na tiwala sa kanya ng publiko dahil sa palpak na tugon ng administrasyong Duterte sa pandemyang COVID19. Higit dito, ang kanyang klase ng pamumulitika (gaya ng kanyang pagtutol sa travel ban dahil sa pangambang sumama ang loob ng gobyerno ng Tsina) ay malamang na pumaypay sa lahat ng pagdududa sa cover-up at whitewashing sa magaganap na imbestigasyon.    

Sa magaganap na imbestigasyon, hinihikayat namin ang mga kawani ng Philhealth na ibulgar ang nasasagap at nakikita ninyong mga anomalya sa inyong ahensya. Ito na ang oportunidad para sa tuwirang paglilinis sa Philhealth.  

Sa huli, nananawagan kami sa senado't kongreso na balangkasin ang de-corporatization ng Philhealth tungo sa isang single-payer na pampublikong healthcare system, laluna sa usapin ng pagpinansya sa emergency care, outpatient services at hospitalization ng mamamayang Pilipino. Isa ito sa mga paraan upang unahin ang kalusugan ng taumbayan bago ang tubo ng iilang may-kapital. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996