Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Linggo, Setyembre 15, 2013

Mensahe ng TDC sa ika-20 amibersaryo ng BMP


Teachers' Dignity Coalition

MGA GURO AT MANGGAGAWA, MAGKAKAPATID SA URI

(Mensahe ng Pakikiisa ng TDC sa ika-20 Taong Pagkakatatag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Setyembre 14, 2013)

Tahasan at talamak ang pagnanakaw ngayon sa kaban ng bayan. Lantad na lantad ang kawalang-kakayanan ng pamahalaan upang resolbahin ang krisis pampulitika. Walang habas ang pananalanta ng mga polisiyang kontra-manggagawa at kontra-mamamayan.  Napakaraming bata ang hindi nakapag-aaral o mga kababaihang hindi nabibigyan ng sapat na atensiyong medikal. Napakaraming pamilya ang nagdidildil ng asin sa araw-araw. Nakapagtataka sapagkat may sapat na yaman ang bansa at buong lipunan upang tugunan ang kahirapang ito. Subalit, bakit patuloy na nalulubog sa masahol na kahirapan ang mga taong sila mismong lumilikha ng yaman? Sino ba sila? Sila ang mga manggagawa.

Kaming mga guro ay bahagi ng lakas-paggawa ng ating lipunan. Kabilang sa mga nagpapaupa ng lakas at kakayahan. Kasama kami sa mga umaasa sa kakarampot na sahod upang mabuhay. Kami ay kapatid sa uring manggagawa!

Kaya naman sa dakilang araw na ito kung saan ipinagdiriwang natin ang ikadalawampung taon ng pagkakatatag ng Bukluran ng Manggagagawang Pilipino (BMP), kaming mga pampublikong guro mula sa Teachers’ Dignity Coalition ay lubos ang kagalakang bumati ng pakiiisa sa inyo mga kapatid naming manggagawa.

Dalawampung taon na ang nakalilipas nang mapagpasyang itatag ang organisasyong ito na may sapat at dalisay na kamulatan sa kanyang uri. Naniniwalang sa pagkakaisa ng mga manggagawa maipagtatagumpay ang ganap na pagbabago sa lipunan. Naninidigang ang uring manggagawa ang pinakaabanteng uri sa lipunan at may istorikong layuning pamunuan ang pakikibakang ganap na magwawakas sa pagsasamantala at maglalansag sa kapangyarihan ng naghaharing-uri sa lipunan at magbibigay ng ganap na kalayaan ng mga mangagawawa, maralita at buong sambayanan. 

Sa kasalukuyan ay patuloy tayong tumutugon sa hamon. Sapagkat hanggang ngayon, ang mga karapatang marapat sana nating tinatamasa ay hindi pa rin naibibigay sa atin. Habang yaon namang matagal nang naipagtagumpay ay muling binabawi ng puwersa ng kapital at ng gobyernong lagi na’y panig sa mga may kapital. 

Patuloy ang mababang pasahod, kawalan ng karapatan sa pag-oorganisa, kawalang-katiyakan sa hanapbuhay at iba pang mga manipestasyon ng pananalanta ng salot na globalisasyon. Ang salot na ito’y hindi lamang nananalanta sa mga manggagawa sa pribado, hindi lamang sa linyang industriyal. Bagkus, ito ay pumapatay rin sa mga manggagawa sa agrikultura at serbisyo- sa pribado at publiko.

Kaya naman ngayon, higit kailanman, lalo nating dapat pang higpitan ang ating pagaakaisa at pag-ibayuhin ang ating pagmumulat.

Tayo ang lumilikha ng yaman ng ating lipunan. Tayo ang nagbabanat ng buto upang sa araw-araw ay tiyaking may pagkaing ihahain sa bawat hapag. Tayo ang nagpapatakbo sa buong sistema ng lipunan. Tayo ang mga manggagawa.

Muli, mula sa mga pampublikong guro sa ating bansa na katulad ninyo’y dumaranas ng paghihirap sa ilalim ng sistemang kapitalista na pinalalala pa ng kawalan ng pagtugon ng pamahalaan, sumainyo ang aming maalab na pagbati at pakikiisa sa pagdiriwang na ito. 

Sa huli bilang parangal sa ating uri, hayaan ninyong sipiin namin ang dalawang huling saknong ng tulang “Manggagawa” ng dakilang makatang Tagalog na si Jose Corazon De Jesus o Huseng Batute: 

Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay

Maraming salamat mga kapatid at mabuhay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino! 

MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!

BENJO G. BASAS
Pambansang Tagapangulo
Teachers’ Dignity Coalition (TDC)
Setyembre 14, 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996