Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Linggo, Setyembre 15, 2013

Mensahe sa ika-20 Anibersaryo ng BMP

Mensahe sa ika-20 Anibersaryo ng BMP 
mula sa Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib)

Rebolusyonaryong pagbati sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o kilala sa tawag na BMP sa pagsalubong ng 2 dekada ng pakikibaka sa pagsusulong ng makauring interes ng manggagawa sa Pilipinas at sa pagkakaisa ng uring manggagawa sa daigdig! 

Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino ay isa sa pangunahing nagsulong sa kilusang manggagawa sa bansa sa loob ng 20 taon. Di matatawaran ang naiambag nito sa pagsusulong sa pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika ng uring manggagawa na malaking tulong para magkaroon ng pakinabang pang-ekonomya at pampulitika ang uri at buong bayan.

Itinatag ang BMP sa panahon ng pagsikad at paglaganap ng delubyo ng globalisasyon noong dekada 90 at sa umiiral na tunggalian sa loob ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa. Itinatag ang BMP ng mga militante at sosyalistang manggagawa na seryosong ipinaglalaban ang interes ng uri sa pamumuno ni kasamang Popoy Lagman.

Ang pakikibaka para sa pang-ekonomya at pampulitikang interes ng manggagawa at pamumuno sa pakikibakang demikratiko ng bayan ang naging mahalagang salik sa pagsikad ng paglawak at paglaban ng uring manggagawa sa Pilipinas sa gitna ng malaganap na atake ng kapital na binabawi ang mga nakamit na tagumpay sa pakikibaka ng uring manggagawa sa mahigit sandaang taon ng kilusang manggagawa sa bansa. Hindi kinaligtaaan ng BMP ang tungkulin nito sa uring manggagawa na pagkaisahin ang uri at pandayin sa laban at sa masiglang paglahok sa demokratikong pakikibaka at pagtataguyod sa sosyalistang oryentasyon ng kilusang manggagawa.

Mahalagang dalisayin at gamitin ang mga aral na ito sa dalawampung taon ng pakikibaka at maging gabay sa pagtahak sa landas ng pakikibaka para sa paglaya ng uri at bayan sa kuko ng pandaigdigang kapitalismo at ng patakarang globalisasyon.

Ang mga unyon, organisador at lider ng mga unyon at samahang masa na kasapi ng BMP ang naging dugo at laman ng BMP sa mahabang panahon. Marami sa mga unyonista ang namulat habang nag-aaral, nakikibaka at nag-oorganisa sa hanay ng manggagawa. Sila ang naging sandigan ng militanteng paglaban at pagiging tapat sa interes ng uring manggagawa sa Pilipinas na nagtataguyod ng militante at sosyalistang pakikibaka. Binuksan nila ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa pamamagitan ng mapangahas na pag-ugnay at pakikihalubilo sa malaking bilang ng manggagawa sa pabrika, empresa at plantasyon at maging sa komunidad ng manggagawa. Iniambag nila ang kanilang dunong, pawis, dugo at maging buhay para abutin ang pinakamalaking bilang ng manggagawa kung saan sila matatagpuan.

Ang BMP bilang sosyalistang organisasyon ng manggagawa ay gumuhit sa mga pahina ng kasaysayan ng paggawa sa bansa. Itinatak nito at nagmarka ang militante at sosyalistang linya sa paggawa sa mga labang inilunsad nito. Itinuloy natin ang naging tradisyon ng BMP at aasahan natin ang pagsulong at paglakas nito at maging isang malakas at pangunahing pwersa sa kilusang paggawa at sa kilusang bayan sa bansa.

Tatlong mahahalagang aral ang makikita sa 20 karanasan ng BMP. Una ang paggamit ng sama-samang pagkilos bilang porma ng pakikibaka na nagpanday sa mga unyon at samahan na magkaisa at lumaban, ikalawa ang kumbinasyon ng pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka, at ikatlo, ang malaganap na mga pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa sa manggagawa; ang mapangahas na ekspansyon ng ating hanay sa lahat ng kayang abutin ng pagkilos at ang pakikipag-alyansa na nagpalapad ng saklaw ng kilusang manggagawa.

Sa panibagong dekada ng pakikibaka ng BMP, ang Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib) ay hindi magsasawang tumulong, makiisa at magsama sa pakikibaka ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino. Maglalaan ang PMP ng mga kadre at kasapi na magiging katuwang ng mga militante at sosyalistang manggagawa. Inaasahan ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PInagsanib) ang paglakas pang lalo sa gitna ng mga kumukulong pang-ekonomya at pampulitikang pangyayari sa kasalukuyang yugto ng rebolusyonaryong kilusan at ng lipunang Pilipino.

Mabuhay ang ika-20 taong anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino! Mabuhay ang uring manggagawa! Isulong ang rebolusyonaryo, militante at sosyalistang kilusang manggagawa! Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa! Wala tayong ibang maaasahan na papatid sa tanikala ng pagkaalipin kundi ang uring manggagawa mismo.

Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib)
Setyembre 14, 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996