Bukluran ng Manggagawang Pilipino
National Capital Region – Rizal
BMP - NCRR
MABUHAY ANG IKA-20 ANIBERSARYO
NG BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO!
SULONG SA MAPANGAHAS NA MALAWAKANG PAG-ABOT
SA MAKAURING PAGKAKAISA!
ASAMIN ANG MAPAGPASYANG YUGTO NG KILUSANG MANGGAGAWA!
Rebolusyonaryong Pagbati sa mga kasama sa BMP sa kanyang pagkilala sa 2 dekada ng pag-oorganisa at sosyalistang pagmumulat sa masa ng manggagawa!
Ang Pangrehiyon na Balangay ng National Capital Region Rizal ng BMP ay lubos na kumikilala sa mga pagsisikap ng bawat kasapi, lokal na unyon, pederasyon at mga lider manggagawa na itagauyod ang programa at plano ng BMP sa nagdaang 20 taon.
Ang 2 dekada nang pagsisikap na itaas ang antas ng pagkakamulat ng masa ng manggagawa sa makauring pagkakaisa at sosyalistang alternatiba sa mapang-aping sistemang kapital anuman ang inabot, anuman ang mga pinagdaanan ay dapat na dalisayin at bigyang pagkilala.
Gamitin natin ang mga aral at karanasan ng 2 dekada ng pakikibaka sa panibagong yugto ng laban ng masang manggagawa. Tipunin ang ating lakas at buong pwersahang igiit ang kapangyarihang ma-organisa ang uri. Mapangahas nating asamin ang signipikanteng antas na pag-oorganisa sa makauring pagkakaisa.
Abutin natin ang mataas na kamulatang sosyalista at gisingin ang muog na kapasyahang ng bawat abanteng manggagawa ang humakbang tungo sa pagbabago.
Tayo sa malawakang pag-oorganisa ng ating hanay, malawakang pagpapalakas ng Kilusang Manggawa. Pasiglahin ang mga militanteng pakikibakang masang magbibigay inspirasyon sa pagpapasigla at pagdidireksyon ng kabuuang kilusang masa para sa mga layuning reporma at kabuuang pagbabago.
Asahan ng ating mga kasama sa BMP ang Pangrehiyong Balangay ng NCRR ay pangungunahan ang hamon na ito na irepokus ang buong atensyon at Gawain para sa pag-oorganisa ng manggagawa, pagpapalakas ng kilusang unyon at pagpapasikad ng kilusang manggagawa. Gamitin ang lahat ng mahuhusay at potensyal na mga lider at kasama sa gawaing pag-oorganisa sa masa ng manggagawa.
Papandayin natin ang mga lider sa pag-oorganisa ng mga kampanya at pakikibakang masa. Palalakasin ang mga suportang serbisyo sa pagpapataas ng kakanyahan nang bawat lider at organisasyon para sa pagsulong ng araw-araw na gawain.
Itataguyod ang pangunguna at pagbubuo at pagpapalakas ng mga sirkulo ng mga sosyalistang manggagawa. Higit sa lahat isusulong ang mga epektibong pagsisikap na gawain para sa makabuluhang pag-oorganisa at pagkakaisa sa ating hanay sa diwa ng sosyalistang alternatiba at pagbabago ng lipunan.
Kokonsentrahan ang salot na kontraktwalisasyon. Oorganisahin ang mga kapatid na manggagawang kontraktwal sa lahat ng larangan, pangunahan ang pagtataas ng kamulatang sosyalista sa hanay ng mga mala-manggagawa sa kalunsuran.
Sa ganitong kaparaan mabibigyang pagpupugay ang 2 dekada nang BMP. Nasasaating lahat ang hamon, nasasating lahat ang pagkakataon, nasasaating kamay ang paglapit sa tagumpay!
Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Sulong sa mapangahas na pagsulong ng kilusang manggagawa!
Tayo sa Pagbabago! Tayo sa Sosyalismo!
BMP – NCRR
Setyembre 12, 2013
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento